Katutubong Kaalaman sa Pagpapaunlad ng Komunidad

Print pagePDF pageEmail page

Para sa mga Oromo, isang Cushitic na katutubo na naninirahan sa Ethiopia, hilagang Kenya at ilang bahagi ng Somalia, Africa, iisa ang diyos: si Waagaa o Waaqa.

Ayon kay Propesor Workineh Kelbessa ng Addis Ababa University,1 si Waagaa ang “Nauna sa Lahat,” ang tagapaglikha ng mundo. Si Waaga din ang diyos ng kalangitan, at sa aspeto ng mabait na tagapangalaga at tagapagtanggol ng mga tao, si Waagaa ay kulay itim.

Kwento ni Yosef Beco Dubi, isang PhD student ng Addis Ababa University na nagbahagi ng kanyang saliksik tungkol sa “Indigenous Knowledge in Oral Narratives of Oromo Society and Its Significance to Sustainable Development” sa International Seminar Workshop on Indigenous Studies noong Hunyo 2013, maitim si Waagaa dahil para sa mga Oromo, siya ang representasyon ng langit na natatakpan ng makapal na ulap—ulap na nagdadala ng ulan sa isang lugar na dumaranas ng matinding tagtuyot. Ikinabubuhay ng mga Oromo ang pagsasaka at pagpapastol. Dahil dito, malaking bahagi ng buhay nila ang kalikasan, lalo na ang damo, puno at yamang-tubig. Ayon kay Dubi, si Waagaa ay itim dahil siya ang nagdadala ng ulan. Kung walang ulan, walang damo. Kung walang damo, walang kakainin ang mga hayop. At kung walang mga hayop, walang buhay.

Tulad ng karamihan ng mga katutubong tribo sa iba’t ibang bahagi ng mundo, malalim ang relasyon ng Oromo sa kalikasan. Dahil dito, matagal nang pinag-aaralan ang kanilang sistemang sosyal at pulitikal, halimbawa, ang kanilang pamamahala sa yamang-tubig.2 Ngunit patuloy pa rin ang tunggalian sa pagitan ng mga modernong pamamaraan ng pag-unlad na kalimitan ay hango sa Kanlurang pag-iisip, at ang mga katutubong paniniwala at sistema ng mga katutubong etniko.3 Ang isyu ay hindi lamang tungkol sa mga katutubong etniko. Madalas ding nararanasan ito ng mga maliliit at mahihirap na komunidad sa mga rural na lugar. Habang nariyan ang pag-iisip na “us vs. them”—ang mangmang na komunidad at ang edukadong tagalabas—sagabal ito sa pagpapaunlad ng komunidad.

Ngunit sa isang panayam sa UP FORUM, ipinakita ni Dr. Aleli Bawagan ng Department of Community Development ng College of Social Work and Community Development, UP Diliman, na ang ideya ng tunggalian sa pagitan ng “modernong” pamamaraan at katutubong kaalaman ay isang perspektibo lamang. Sa paggamit ng perspektibong batay sa tulungan at pantay na pagbibigay-halaga sa dalawang kaalaman, mas malaki ang maitutulong nito sa larangan ng community development.

UP FORUM: Sa mga nasulat na, madalas mabasa ang mga terminong indigenous knowledge, community knowledge at local knowledge. Ano ang kaibahan ng tatlong ito? Ang indigenous knowledge ba ay ekslusibong ginagamit lamang para sa mga katutubo? Nakakadagdag ba ang mga terminong ito sa kaisipang nakabase sa us vs. them duality?

Sa kasalukuyan, ginagamit ng mga grupong nakikipag-ugnayan sa mga katutubo ang salitang ‘indigenous knowledge systems’ bilang pangkalahatang termino para sa mga kaalaman ng mga katutubo hinggil sa kanilang ugnayan at mga praktika tungkol sa kapaligiran. Ayon sa UNESCO (2003):

(the term) ‘Local and indigenous knowledge’ refers to the cumulative and complex bodies of knowledge, know-how, practices and representations that are maintained and developed by peoples with extended histories of interactions with the natural environment. These cognitive systems are part of a complex that also includes language, attachment to place, spirituality and worldview. Many different terms are used to refer to this knowledge: • traditional ecological knowledge; indigenous knowledge; local knowledge; rural peoples’/ farmers’ knowledge; ethnobiology / ethnobotany / ethnozoology; ethnoscience; folk science; and indigenous science.

Lumalabas rin ang mga terminong ito sa mga usaping may kaugnayan sa sustainable development at biodiversity conservation, dahil karamihan sa mga lugar na mataas ang antas ng biodiversity ay mga kabundukan kung saan naninirahan ang mga katutubo. Kahit mga katutubo na nakatira malapit sa karagatan ay tinitingnan din ang kanilang kaalaman hinggil sa pangangalaga at pagpapanatili ng mataas na antas ng biodiversity.

Ngunit ang mga terminong ito ay hindi ginagamit para sa mga katutubo lamang. Kami na nasa disiplina ng pagpapaunlad ng pamayanan ay nakikita rin ito sa mga pamayanan ng mga magsasaka at mangingisda at kahit mga maralitang tagalunsod, lalo ang mga pamayanan na matagal na sa lugar na kanilang kasalukuyang tinitirhan. Sa mahabang panahon ay may nabuo na rin silang mga lokal na kaalaman na gumagabay sa kanilang mga gawaing pang-kabuhayan at pang-kapaligiran.

Wala namang problema sa paggamit ng mga terminong ito patungkol sa binanggit na ‘us-them’ duality. Malinaw na ang mga termino ay nagagamit dahil sa kanila mismo nagmumula ang kaalamang iyon at iyon ay kinikilala (acknowledged) at pinapahalagahan (valued).

UP FORUM: Meron bang fixed process o standard template na sinusundan sa larangan ng pagpapaunlad ng pamayanan (community development)? Paano ginagamit ang indigenous knowledge o katutubong kaalaman sa pagpapaunlad ng mga komunidad, lalo na sa mga rural na komunidad at sa mga katutubo?

Maraming tao na rin ang nagsasabi na sila ay nasa disiplina ng pagpapapunlad ng pamayanan, kaya iba-iba na rin ang praktika o practice. Kung kaya wala talagang isang proseso na makikita mo sa larangan, at ito ay depende sa ginagamit na perspektiba. Kung ang tingin ng isang tao sa kanyang sarili ay eksperto at mas maraming alam kaysa mga tao sa pamayanan, malamang na hindi siya interesadong intindihin at alamin ang mga katutubong kaalaman sa lugar. Sasabihin na lamang niya kung ano ang gagawin hinggil sa isang proyekto.

Ngunit kung ang perspektiba naman ay mapanlahok (participatory) at kasama ang mga mamamayan sa prosesong pagdadaanan (people-centered), masasabi na pinapahalagahan nito ang ano mang lokal na kaalaman ng mga tao  sa mga proyektong sama-sama nilang itataguyod. Sa unang bahagi pa lamang nang pakikipagtuwang (partnership) sa pamayanan at habang nakikipag-aralan sa mga mamamayan, mahalaga ang pagtukoy ng kanilang mga internal na kalakasan bilang isang pamayanan at kasama dito ang kanilang mga lokal na kaalaman hinggil sa kanilang gawaing pangkabuhayan, mga paniniwala, mga pinahahalagahan, atbp.

Kapag ang mga mamamayan ay humaharap sa mga taong nakapagtapos ng pag-aaral, karaniwan nilang sinasabi ay ‘wala silang alam, hindi kami nakapag-aral,’ isang manipestasyon ng kawalan ng kapangyarihan (disempowerment). Ngunit kapag dumadaan sila sa proseso ng pakikipag-aralan at ang nagpapadaloy ng talakayan ay malinaw ang perspektiba hinggil sa pagpapalitaw ng internal na kalakasan at lokal na kaalaman, unti-unting lalabas na sila ay may nalalaman at posibleng ang mga bagay na ito ay hindi alam ng tagapagpadaloy. Ang prosesong ito ay unang hakbang sa pagsasa-kapangyarihan (empowerment); kapag makita ng mga mamamayan na hindi sila mangmang, na may mga kaalaman sila na mahalaga para sa mga programang pangkaunlaran na kanilang ipapatupad, na may mga kalakasan sila na kailangan lamang makilala.

Ilang halimbawa:
• mga halaman na nakakatulong sa ilang mga sakit—makakatulong para sa community-based health programs;
• mga halaman na alam nilang nakakapagtaboy ng mga insekto na makakasira sa pananim; makakatulong sa sustainable agriculture;
• mga lugar na alam nilang mapagkukunan ng tubig—makakatulong sa  programang patubig;
• pagtatakda ng mga hangganan sa kagubatan kung saan maaaring magsaka, dahil paglagpas ng hangganan na ito ay tinakda na nila itong ‘watershed’—makakatulong sa biodiversity conservation;
• para sa mga lugar na umaasa sa ulan para sa kanilang pagsasaka, alam nilang dumarating ang tag-ulan sa Mayo, kaya inihahanda na nila ang kanilang sakahan para makapagtanim sa tamang panahon;
• mga lokal na kaganapan na nagbabadya ng mga pangyayaring di kanais-nais, halimbawa kapag naglabasan ang mga insekto o hayop mula sa kanilang mga lungga—makakatulong sa mga programa hinggil sa paghahanda para sa disaster (disaster preparedness); at iba pa.

Naipapaliwanag din na ang kanilang mga praktika ay may materyal na batayan sa siyensiya. Halimbawa, anong elemento mayroon ang isang halaman na iniiwasan ng mga insekto? Sa ganitong paraan, napapataas ang antas ng kaalaman ng mga mamamayan.

UP FORUM: Paano nakakatulong o nakakasagabal ang paggamit ng scientific approach sa indigenous knowledge sa pagpapaunlad ng pamayanan? Paano maiiwasan o malalampasan ang us vs. them na pag-iisip, kung saan itinuturing na mas superior ang siyentipikong pamamaraan at mas inferior ang katutubong kaalaman?

Sa mabilis na pagbabago sa ating kapaligiran, may mga lokal na kaalaman na hindi na umaayon sa kasalukuyang kalagayan. Halimbawa, sanay silang magtanim kung buwan ng Mayo dahil ito ang karaniwang panahon ng tag-ulan. Ngunit napapansin nila na hindi na tiyak ang dating ng tag-ulan sa buwang ito. Minsan napapaaga ang ulan, minsan nama’y nahuhuli. Sa mga pagkakataong hindi na nila ito naiintindihan, dito pumapasok ang paliwanag ng tagapagpadaloy o ng community development worker hinggil sa pagbabago ng klima (climate change) at ang epekto nito sa kanilang praktika sa mga gawaing pangkabuhayan.

Sa isang barangay sa San Juan, Batangas, nabanggit ng mga nakatira doon na hindi na tugma ang panahon sa pagtatanim ng mais. Nakapagtanim sila ayon sa nakasanayang panahon, ngunit maliit pa lang ang suloy ng mais ay kinain na ito ng mga uod. Kung kaya wala silang naaning mais sa panahong iyon. Naintindihan nila nang ipaliwanag sa kanila na dahil sa pagbabago ng klima ang mga uod na karaniwan ay sa ilalim lamang ng lupa nakakahanap ng kanilang makakain, ay lumalabas na dahil sobrang tuyo ang lupa at wala na silang makain sa ilalim.

Dinadaan ang bahaginan ng kaalaman mula sa siyensiya at lokal na kaalaman sa pamamagitan pa rin ng pakikipag-aralan. Papasok ang pagpapaliwanag hindi mula sa perspektiba na eksperto kundi mula sa perspektiba ng pakikipagtulungan. Ito ay bahagi ng prosesong pagpapataas ng antas ng kaalaman at kasanayan (community education).

Maaaring ang mga kaalamang ibabahagi ay tungkol sa gawaing pang-samahan o pang-proyekto.

Isang halimbawa ng mahusay na pagtutulungan sa pagitan ng siyensiya at pagpapaunlad ng pamayanan ay ang mga magsasaka-siyentipiko ng MASIPAG, isang samahan ng mga magsasaka na nagpapatupad ng sustainable agriculture at organic farming. Natutunan ng mga magsasaka ang siyensiya sa likod ng kanilang pagsasaka at sila na mismo ang naging tagapagsanay sa iba pang mga pamayanan. Ang mga siyentipiko ay may mababang-loob din at patuloy ang pakikipag-aralan sa mga magsasaka, at walang dala-dalang aktitud na ‘alam ko ang lahat’ at pangmamaliit sa magsasaka.

UP FORUM: Paano natin maitataguyod o mapapaunlad ang katutubong kaalaman sa mainstream sa paraang nagbibigay-halaga at respeto rito? Dapat bang itaguyod ang indigenous knowledge sa mainstream, o di kaya ilimita lamang ito sa isang partikular na lugar, kultura at konteksto?

Palagay ko ang tanong ay para saan ang pagtaguyod sa mainstream ng kaalamang ito. Ang mahalaga ay ang pagbabahagi sa buhay ng mga maralita, ang kanilang mga lokal na kaalaman at praktika, at ang kanilang mga ginagawang programa para sa pagpapaunlad ng kanilang pamayanan at pagbabago ng kanilang kalagayan. Mahalagang maipakita na kahit sila ay hirap sa buhay, patuloy silang naghahanap ng paraan upang mapaalwan ang buhay nila, manipestasyon ng kanilang pagsasa-kapangyarihan sa sarili (empowerment).

UP FORUM: Paano mapapayaman ng indigenous knowledge at indigenous studies ang pamayanan? Paano natin maiaangat ang pagpapahalaga sa indigenous knowledge sa bansa at sa buong mundo?

Maraming mga grupo ang may mga advocacy na nagdadala sa kanila sa mga antas pambansa at antas pangglobal. Tulad ng mga nabanggit ko, ang advocacy ay pagprotekta sa diversity at ancestral domain ng mga katutubo. Mahalaga na maunawaan ng mas maraming tao ang indigenous knowledge systems upang hindi pagsamantalahan ang mga katutubo. Mahalaga na maisama ang pagpapahalaga sa lokal na kaalaman sa mga polisiya at patakaran  sa mga programang pangkaunlaran na pinapatupad ng pamahalaan. Bukod dito, advocacy rin namin ang paggamit ng mga pamamaraang mapanlahok sa mga programang pangkaunlaran na tutulong upang itaguyod ang empowerment ng mga mamamayan.
——————–
Email the author at [email protected]

NOTES:
1 Kelbesse, W. (2001). Traditional Oromo attitudes towards the environment: An argument for environmentally sound development (Social Science Research Report Series No. 19). Ethiopia: Organization for Social Science Research in Eastern and Southern Africa. Retrieved from http://www.africaportal.org/dspace/articles/traditional-oromo-attitudes-towards-environment-argument-environmentally-sound
2  Gashe, D.D. (2011). Culture in sustainable development thinking: An indigenous water management system, the case of Borana (Oromo) people. Oromo Studies Collection @ Gadaa.com. Retrieved from http://gadaa.com/OromoStudies/culture-in-sustainable-development-thinking-an-indigenous-water-management-system-the-case-of-borana-oromo-people/
3  Briggs, J. (2005, April). The use of indigenous knowledge in development: Problems and challenges. Progress in Development Studies, 5(2), 99-114. Retrieved from http://eprints.gla.ac.uk/1094/1/JBriggs_eprint1094.pdf

FacebookTwitterGoogle+