General Education at Globalisasyon Isip, Salita at Gawa Para Kanino?

Print pagePDF pageEmail page

molochi RAW copyApektado ang UP sa isterya ng internasyonalisasyon. Wika nga ni Assistant Vice-President for Academic Affairs Marilou Nicolas, darating ang integrasyon sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa 2015, sa ayaw natin at sa gusto. Susi sa pakikisama sa mga karatig-rehiyon sa Asya ang pag-ayon at paglapat ng General Education Program (GEP) sa pangangailangan ng internasyonal na komunidad at pag-angkop sa programang K to 12 sa batayang edukasyon.

Programa at Mga Panukala

Kasama sa mga ipinirisintang dokumento ni Nicolas sa Expanded GE Committee Workshop sa Subic noong ika-21 hanggang-23 ng Mayo ang tsart na nagkukumpara sa Revitalized General Education Program (RGEP) Hybrid at bagong GEP.

Layunin ng naturang palihan, ayon kay Nicolas, na pagsamahin at pangasiwaan ang “harmonized” na mga balangkas ng GE, pero maaaring bumatay ang mga constituent unit (CU) sa niche nila; at nagtakda rin ang palihan ng mga CU na punong-abala sa bawat asignatura. Paglilinaw pa niya, hindi madadagdagan o mababawasan ang  mga  taon ng pag-aaral sa kolehiyo, kahit magiging 30-yunit GE na lang sa bagong GEP (katumbas ng isang akademikong taon) mula sa dating 45 unit sa RGEP, dahil ilalaan sa major ang natitirang tatlong taon.

Asignaturang walang elektib ang gusto ni UP President Alfredo Pascual, ayon kay Nicolas. Sa layunin naman, hindi tinanggal sa bagong GEP ang dating nasa RGEP: pagpapalawak ng larangang intelektwal at kultural; at pagpapayabong ng pagkatig sa nasyonalismong binabalanse ng pagpapahalaga sa internasyonalismo. Idinagdag lang sa bagong GEP ang pagpapalalim ng kapasidad sa integrasyon ng kaalaman at kasanayan (knowledge and skill); at pagkintal ng “passion for life-long learning.”

Simula 1987 pa nagtuturo ng GE subject ang kasalukuyang tagapangulo ng Diliman GE Committee at miyembro ng UP Diliman GE Committee na si Prop. Robin Daniel Rivera ng Department of Art Studies. Sa panayam ng UP Forum sinabi niyang noong 2009, muli nilang pinag-aralan ang RGEP at pinagtibay ang taunang kumperensya hinggil dito noong 2011. Sa kauna-unahang kumperensya, muling ipinakilala ang ilang asignaturang required GE, at ito ang tinaguriang Diliman “Hybrid” GEP, na siyang magsisilbing paunang hakbang para sa potensyal na pagbabago—at pagrerepaso sa kalaunan.

Binubuo ng 45 yunit ang “Hybrid” GE, 15 yunit ang kukunin sa bawat larangan (Arts & Humanities o AH, Social Sciences & Philosophy o SSP at Math, Science & Technology o MST): sa AH, dalawa ang elektib at tatlo ang required (English 10, Filipino 40, Communication 3); sa SSP, tatlo ang elektib, dalawa ang required (Kasaysayan 1, Philosophy 1); at sa MST, tatlo ang elektib at required ang isang Math GE at ang STS.

Kinailangan ding tugunan ang mga eksternal na pagbabago, sabi ni Rivera, tulad ng (1) programang K to 12 ng Departamento ng Edukasyon (DepEd);  (2) bagong GEP at ng College Readiness Standards (CRS) ng Commission on Higher Education (CHED); (3) integrasyong ASEAN; at (4) panukalang GEP ng UP System, na tinagurian niyang “System 8.” Kabilang naman sa unang panukalang ito (Setyembre 2013) ang 36 yunit: 12 elektib at 24 batayang yunit na katumbas ng walong asignatura: (1) Ethics; (2) Self and Society; (3) Mathematics, Culture and Society; (4) Science Technology and Society; (5) Living Art and Culture; (6) Living Systems; (7) Life and Works of Rizal; at (8) Understanding the Physical Universe.

Oktubre 2013, isang buwan makalipas ang unang panukala, hinapag ni dating Chancellor Caesar Saloma ang planong may anim na yugto: (1) pagtatag ng UPD GE Center; (2) pagdaraos ng mga konsultasyon; (3) pagpapaunlad ng mga kurikulum; (4) pilot-tesing; (5) Curriculum Approvals; at (6) program roll-out sa 2018, sa pagpasok ng unang mga nagsipagtapos sa ilalim ng programang K to 12.

Sa palihan ng Diliman, pinag-usapan ang rationale ng deadline para sa bagong GEP. Sa kabila ng kagustuhan ng Diliman na repasuhin ang programa, hindi nais madaliin ang proseso kaya naghapag si Rivera ng pagpapaunlad ng GEP na maisasakatuparan makalipas ang limang taon. Ayon kay Rivera, iminungkahi ng mga CU ang ilang pagbabago tulad ng pagdaragdag ng kurso sa komunikasyon at kasaysayan at pagpapanumbalik ng asignaturang Rizal. Hindi rin agad nagkasundo sa pamagat ng mga batayang kurso at nakukulangan ang mga CU sa panahong ibinigay ng UP System.

Magpapatuloy ang UP Diliman sa pakikilahok sa mga palihan hinggil sa GE at sa naturang anim na hakbang, ayon kay Rivera, hindi bilang pagpayag sa orihinal na “System 8” pero bilang konsultasyon sa mga kasamahang guro sa ibang CU.

Dagdag niya, sa kabila ng pagtutok ng administrasyon sa mga kasunduang may kinalaman sa integrasyon sa rehiyon (ng timog-silangang Asya), ang interes naman nilang mga akademiko ay pagpapayabong ng kaalaman at mga pedagohiya (o pamamaraan ng pagbabahagi ng kaalaman) na siyang magtutulak sa paglago sa mga erya nang higit pa sa ekonomiyang rehiyonal. “Walang kakulangan sa ganitong pagnanais sa mga edukador ng UP Diliman. (…) Pinabubulaanan nito ang akalang nagpapayaman lang ang mga guro sa overload teaching pay sa halip na sumabak sa pananaliksik. (…) Nakadepende sa pondong ilalaan ng administrasyon ng UP ang pagsabay ng pamantasan sa kalidad ng mga karatig-rehiyon sa Asya, kung mabibigyan ng kinakailangang rekurso ang mga guro sa GE man, propesyonal na pagsasanay, interaksyong pangkolehiyo o pananaliksik,” ayon kay Rivera sa Ingles.

Makikita ang mga sumusunod na asignatura sa tsart ni Nicolas: (1) History (Philippine History, Heritage and Culture); (2) Rizal (The Life and Works of Jose Rizal); (3) Living Art; (4) Communication; (5) Ethics; (6) Self & Society; (7) Mathematics, Culture and Society (Mathematics, Culture and Society); (8) Science, Technology and Society (STS); (9) Living Systems; at (10) Understanding the Physical Universe. Sa sampung asignatura, ang apat na may pamagat sa loob ng panaklong pa lamang ang may “harmonized” na balangkas, kasama ang kursong Rizal na dating PI 100.

Walang Filipino sa GEP

Walang asignaturang Filipino sa GEP ng UP, na siyang magiging mainit na isyu dulot ng CHED Memorandum No. 20 Series of 2013 na nagtatanggal sa Filipino sa GE Curriculum (GEC).

Karaniwang maririnig sa mga nagnanais magpatanggal sa asignaturang Filipino ang pagtuturo nito sa huling mga baitang sa programang K to 12. Kultura naman ang binigyang diin ni Nicolas: Pambansang identidad ang ating problema at hindi naman bawal magturo sa wikang Filipino.

Dagdag ni Nicolas, ituturo naman sa pangkulturang GE kung ano ba ang “Filipino.” Para sa kanya, hindi pagiging hindi nasyonalista ang hindi pagtuturo sa Filipino at mas mainam bigyang-diin ang kasaysayang kultural kaysa politikal para mahanap ang ating “national identity.” Hindi sapat at limitado ang asignaturang Filipino sa programang K to 12 dahil lampas pa sa balarila at komunikasyon ang Filipino, para kay Prop. Rommel Rodriguez, pambansang secretary-general ng All-UP Academic Employees Union (AUPAEU). “Sa kolehiyo, marami pang marapat matutunan ang mga mag-aaral [na papasok sa UP] hinggil sa Filipino bilang instrumento ng pananaliksik at panunuri sa lipunan, kasaysayan at kultura. (…) at hinggil sa iba’t ibang larangan ng Filipino, tulad ng wika, araling pilipino, panitikan, at malikhaing pagsulat.”

Mga Prototipo

Maski yung ‘Thai-ness’ itinuturo sa Thailand in English kasi nga may mga international students. Thais are one of the most nationalistic people in the world,” ani Nicolas. Pero iba ang kalagayan sa Indonesia at Malaysia, kung saan ang mga dayong estudyante ang dapat umangkop sa kultura ng naturang mga bansa. Ayon sa nilahad sa porum na Bantay Wikang Filipino ni DFPP Prop. Ramon Guillermo, pambansang presidente ng AUWAEU, labindalawang taon din ang batayang edukasyon—elementarya at sekundarya—sa Indonesia at Malaysia. Ganito rin sa Thailand.

Ayon kay Guillermo, maraming unibersidad sa Indonesia at Malaysia—na katumbas ng UP bilang state university—ang may batayang kurso sa bahasa (wika) na mandatory sa GEP.  Mas maunlad ang mga naturang wika bilang wikang pambansa. Sa kani-kanilang Senado at Kongreso, kailangang humingi muna ng permiso bago magsalita ng Ingles dahil dapat maintindihan ng ordinaryong tao ang lehislasyon ng batas.

Ani Guillermo: “Kailangang igiit na iba ang katangian ng pag-aaral sa basic education at sa pag-aaral sa unibersidad. May mga espesipikong kasanayan sa pagpapaunlad sa Filipino bilang wikang intelektwal at wikang ginagamit sa siyentipikong larangan. Dahil sa mas atrasadong katangian ng wikang Filipino, palagay ko, lalong kailangan ng core course na wikang Pilipino sa ating core course sa kolehiyo.”

Sa parehong porum, ibinahagi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Rep. Antonio Tinio ang “Recto Avenue” ng Indonesia, kung saan nagbebenta ng mga librong secondhand—ang pagkakaiba lang, nasa Bahasa ang mga ito, kabilang ang mga aklat sa agham, matematika, pilosopiya, maging mga best seller. Tatlo ang susing punto ni Tinio: (1) pagpapatunay sa antas ng akademikong diskurso sa mga unibersidad ng Indonesiang maunlad kumpara sa Pilipinas, sa kabila ng limitasyon dahil wala pang mga aklat sa hard science, law at engineering; (2) indikasyon ng kasiglahan ng gawaing pagsasalin sa akademya at sa kultura ng Indonesia, hindi tulad sa Pilipinas na pinakamaraming isinasalin sa show business at sa mass media; at (3) senyales ng masiglang produksyon ng libro, hindi tulad sa Pilipinas na import-dependent na nga sa maraming produkto, ganoon pa rin sa mga aklat.

Nagbalik-kasaysayan si Tinio: “ Noong 1987 ay nanguna ang UP at nagdeklara si [former UP President] Jose Abueva: lahat ng kurso sa unibersidad ay ituro na sa Filipino—hindi lang panitikan at araling Pilipino, kundi matematika, siyensa, engineering, medicine, microbiology, lahat ng kurso, ganoon ang plano. Itinatag ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF) para maisakatuparan ito; may five-year plan. Katulad ng binanggit ni [Guillermo], yun ang tinarget [natin tulad] ng Malaysia noong 1980s, kaya lang ano’ng nangyari sa patakaran? (…) Dumating ang globalisayson, noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Philippines 2000: deregulation, liberalization, privatization at yung pagtutulak sa wikang Ingles bilang susi sa global competitiveness. Kaya binitiwan ng UP ang language policy. Noong panahon ni [former UP President] Francisco Nemenzo, nagkaroon ng devolution: ibinasura ang patakaran at mula noon ay paatras na at nasa depensiba na ang mga nagtataguyod ng wikang Pilipino.”

Dagdag pa niya, “Sa education system, revised basic education curriculum ang naging patakaran noong 2002. Binawasan yung mga minutes para sa wikang Filipino at para sa mga subject na itinuturo gamit ito under Makabayan. Noong panahon ni Gloria [Arroyo], EO 210 naman: kailangang gamitin ang Ingles bilang primary medium of instuction sa college. Naging English speaking, tapos magmumulta ka ‘pag gumamit ng Filipino. Itong pinakahuli[ng bigwas], ‘yung CHED memong magtatanggal sa Filipino sa GEC. Sa UP GEP may equivalent yan. System 8 o System 10? Essentially ganoon din, tatanggalin na ito as a required course. Last stand na ba ito ng Filipino?”

Ang Proyekto

May tatlong implikasyon kung walang asignaturang Filipino sa GEP ng UP ayon kay Rodriguez: (1) binabalewala nito ang Patakarang Pangwika ng UP na inaprubahan ng Board of Regents noong Mayo 29, 1989 kung saan nakapaloob na “mangunguna ang Unibersidad sa pagtulong na bumuo ng pambansang wikang ang tawag ay Filipino, ang wika ng ating sibilisasyon;” (2) binubura ng bagong panukala ang nakamit na tagumpay ng wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik at ang intelektuwalisasyon nito; at (3) isinasantabi ang halaga ng pag-aaral ng Filipino bilang lunsaran ng identidad at kaalamang-bayan. “Paurong ang nagiging perspektiba ng Unibersidad sa halip na maging pasulong.”

Inugnay ni Flores ang patakaran sa edukasyong kumikiling sa internasyonalisasyon sa balangkas ng globalisasyong binibigyang-katwiran ng ideolohiyang neoliberalismo, kung saan sinasalansan ang lahat ng aparato upang umastang parang negosyo. Mapapansing ganito ang nangyayari sa UP, simula nang magtaas ng matrikula dahil sa pag-abandona ng estado sa responsibilidad nito: humahanap na ng pagkakakitaan ang UP, kabilang ang pag-angkop sa posibleng mga kustomer na mapaglalakuan ng edukasyong UP, pakikipagsosyo sa pribadong mga korporasyon at pagpaparenta ng mga lupain, halimbawa, sa mga Ayala. Sabi ni Flores, winiwala tayo gamit ang wika at inaangkin ang maling kahulugan.

“Ang intelektwalisadong wika at propesyon sa wika o larangan ay nasa balangkas talaga ng edukasyong kolonyal. Magsisimula talaga dito bilang panimulang tungtungan sa demokratisasyon. Ibig sabihin, pagbibigay-puwang ng paglikha ng kaalaman at pagpapalawig ng kakayanan ng taong magpahayag sa wika kung saan sila komportable. Hindi lang ito sentimental, pero sentral sa demokrasya o panlipunang hustisya,” ani Flores.

Bagamat mahalaga ang pambansang identidad, tulad ng sinasabi ni Nicolas, mahirap itong makamit kung walang asignaturang Filipino sa GEP. Sa karanasan ng Indonesia at Malaysia, matatayang mas matibay ang kabuluhan ng nasyonalismo sa unang dalawang karatig-rehiyon. Sa Thailand kung saan sa Ingles itinuturo ang “Thai-ness,” na siyang tutularan ng UP upang makapagsilbi sa dayong mga iskolar at mapabatid sa kanila ang “Filipino-ness,” tila nagiging turismo ang kahihinatnan ng dapat sana ay akademikong mobilidad.

“Kailangan talaga magkaroon ng perspektiba ang mga estudyante na Pilipino sila. Hindi lang sila Ilokano o Kapampamngan, kundi Pilipino rin sila. Mahirap ka na nga, sasagasa ka sa globalisasyon at kalat-kalat ka pa,” ani Flores. Para sa kanya, problematiko ang multi-polarity, multi-perspective o lubusang diversity at mas mainam nang nagkakaisa, malakas at may pagkakaisa. Tila sinagot ni Flores ang hamon ni Tinio: kung “last stand na ba ito ng Filipino?” Sabi ni Flores, “Huwag na tayong umatras, umunlad na ang akademikong larangan ng Filipino. Ang erya ng linguistics, applied linguistics, sociolinguistics, lexicography, pagsasalin, pagpalanong pangwika, pagsasalin, malikhaing pagsulat, araling Pilipino. Ito ang ‘gusi’ ng kaalaman, ito na yung balon o knowledge production. Ito na yung inabot ng pagtatapat ng kaalaman ng consciousness ng area of knowledge dun sa isang globalisading kaalaman.”

Sa parehong porum, nagbalik-kasaysayan si Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera at nilagom na ang pinakaugat ng problema sa edukasyon ay ang edukasyong kolonyal na ipinamana sa atin ng imperyalismong Amerikano. Tulad ng maraming makabayang akademiko, pabor si Lumbera na unahin muna ang kapakanan ng mga Pilipino, bago ang dayuhan:

“Ang mga Filipino ay nakalimutang isaalang-alang ng mga edukador na nagplano ng pagtatayo ng K to 12 at patuloy na pagpapalaganap ng kolonyal na edukasyon sa Pilipinas. Bakit [nga ba] kailangang ang edukasyon ay maituon sa sambayanang Pilipino, sa halip na sa mga mmamayan sa daigdig? Ang mga Pilipino ang unang dapat paglingkuran ng ating education system, pero lumalabas na [pinapahaba lang ang pag-aaral dulot ng K to 12] upang maging kwalipikado silang maglingkod sa mga kompanya sa labas ng Pilipinas.

Anong requirement para ang isang Pilipino ay makapa  g panukalang GEP. Hindi maitatanggi ang pagkakahawig nito sa GEP ng Harvard. Bagaman may ilang pag-amin na naimpluwensyahan ng modelong ito ang panukalang programa na nais gawin sa UP, mahalagang isaalang-alang na marapat itong nakaangkla sa perspektiba at pilosopiyang Filipino, at dumaan sa masusing pag-aaral upang makalikha ng bagong programa. Sa proposal, walang pagbanggit man lamang sa mga tagumpay ng mga naunang GEP.”

“Sa pagbuo ng bagong programa, pangangailangang humalaw ng mga aral mula sa pinagmulan nito; ilunan sa historikal na konteksto at hindi lamang basta-basta ibatay sa programa ng mga kanluraning institusyon,” mungkahi ni Rodriguez. “Gawing sistematiko ang pagbuo at pagtuturo nito bilang panimulang batayan ng paglikha ng kaalaman ng mga mag-aaral na papasok sa ating unibersidad. Ibig sabihin, tingnan ang GEP ng UP bilang tungtungan ng kaalaman ng mga mag-aaral sa kanilang pagsabak sa ninanais na propesyon at disiplina sa halip na ituring ang mga ito bilang pampalubag-loob lamang.”

Higit pa sa pagiging pundasyon ng pagsasa-ayos ng GEP bilang rekisito upang mapaunlad ang akademikong mga programa ng UP para sa internasyonalisasyon, molde rin itong huhubog sa mga estudyanteng inaasahang mag-ambag, hindi lang sa pagbubuo ng bayan, kundi sa paglilingkod sa sambayanan. Sa tinatahak na landas ng UP sa tangka nitong integrasyon o pakikisabay sa mga karatig-rehiyon, kailangang bantayan kung naisasakripisyo ang kapakanan ng kalakhan ng mamamayan para sa kapakanan ng iilang may kakayanang magbayad sa edukasyong tila nagiging kalakal, sa halip na karapatan.

Sapat na nga ba ang pagka-Pilipino “sa isip, sa salita, sa gawa” sa panatang pinabibigkas sa atin mula elementarya, kahit noong wala pang K to 12? Mapaninindigan na ba natin ang pagiging makabayan—ang ating pagiging iisang bayan—sa pakikipagsapalaran sa sandaigdigan? Iiwan ko na rin ang ilang ulit na itinanong ni Lumbera, ang ating isip (teorya), salita (wika), gawa (praktika), anong kahihinatnan? Para kanino?
——————–
Padalhan ng email ang awtor sa [email protected]
————————————————————————————————–
For more articles on the ASEAN Integration from the UP Forum, please click here.

FacebookTwitterGoogle+