Acceptance Speech at the Turnover Ceremony of the UP President

Print pagePDF pageEmail page

09 February 2017; Quezon Hall, UP Diliman Campus

PDLC acceptance speech

President Concepcion delivering his acceptance speech. Photo by Misael Bacani, UPSIO.

Pagbati sa mga panauhin:

Presidente Alfredo Pascual
Chairman Patricia Licuanan
Mga Regente ng Unibersidad
Presidente Francisco Nemenzo
Presidente Jose Abueva
Presidente Emmanuel Soriano
Mga dating Regente ng Pamantasan
Mga Opisyal ng Pamantasan
Mga Kaguruan and Kawani
Mga Opisyal ng UP Alumni Asociation
Mga Panauhin mula sa Taiwan
Mga mag-aaral
Mga kamag-aral, kapamilya, kapuso, at mga kaibigan
Magandang Umaga po sa inyong lahat!

Una sa lahat hayaan ninyong ipakilala ko ang aking butihin maybahay, si Atty. Gaby Concepcion.

Pangalawa, hayaan po ninyong ipakilala ko sa inyo ang mga bubuo sa aking gabinete:

Executive Vice President – Dr. Teodoro Herbosa
VP for Academic Affairs – Dr. Maria Cynthia Rose Bautista
VP for Planning & Finance – Dr. Joselito Florendo
VP for Development – Dr. Elvira Zamora
VP for Administration – Prof. Nestor Yunque
VP for Public Affairs – Dr. Jose Dalisay, Jr.
VP for Legal Affairs – Atty. Hector Danny Uy
Secretary of the University – Atty. Roberto Lara

Sa yugto pong ito, nais kong pasalamatan ng taos-puso at lubos ang Lupon ng mga Rehente sa tiwalang ipinagkaloob nila sa akin na pamunuan ang Unibersidad sa loob ng 6 na taon. Sisikapin ko po sa sukdulan ng aking kakayahan na kayo at ang lahat ng tumaya at umasa sa aking salita ay hindi mabigo. Ito po ay itinuturing kong isang sagradong pangako.

Pagpupugay naman at paghanga ang aking ibinibigay kay Presidente Alfredo Pascual na aking hahalinhinan sa kanyang pagbaba sa katungkulan. Napakataas po ng pamantayan na iiwanan ni Presidente Pascual. Tunay, mahirap itong abutin ng sino mang susunod sa kanyang mga yapak. Kung ito po ay ihahambing natin sa larong luksong-tinik, mahirap pong lundagin ang taas ng tinik na kanyang nilundag.

Sa aking pagtanggap sa katungkulan bilang Presidente, tinanggap ko rin po ng kusang loob ang lahat ng hamon sa kanya: gaya ng hamon ng malalang problema sa umiiral na practice o sistema ng ating procurement, ang pagpapataas sa kalidad ng ating mga academic programs, ang internationalization ng ating Unibersidad, ang pagpapalakas ng ating mga faculty development programs, ang suliranin ng contractualization at health care, ang modernization ng ating mga opisina, kagamitan, at laboratoryo, ang suliranin ng admission at libreng matrikula, ang pagpapataas sa sweldo ng ating mga kaguruan at kawani, ang pagpapataas sa stipend ng ating mga scholars, o dili kaya ang inyong napuna pagpasok ninyo kanina sa ating campus, ang lumulubhang kalagayan ng ating mga gusali at kapaligiran. At marami pang iba. Napakahaba po ng listahan ng mga suliranin at mga hamon na bubunuin ng inyong abang lingcod sa susunod na anim na taon.

Mahaba man at marami, ako po ay tunay na nananalig na walang problemang hindi malulutas kung tayong lahat ay magkakaisa ng layon at magsasama-sama sa pagkilos. Subali’t magkakabuklod-buklod lamang ang ating mga kilos at galaw kung tayong lahat ay mabibigkis ng pagmamalasakit. Pagmamalasakit ang siyang dapat maging adhikain ng bawat isa sa atin. Pagmamalasakit sa isa’t isa, pagmamalasakit sa ating propesyon; pagmamalasakit sa ating Unibersidad, at pagmamalasakit sa bayan at lipunan.

Hindi magiging ganap ang isang pamantasan kung wala ang mga mag-aaral, kawani, at kaguruan nito. Sila ang mga sangkap o sector na nagbibigay buhay sa ating pamantasan. Subalit ang tatlong sangkap o sector na ito ay hindi mabubuo bilang isang unibersidad kung walang dakilang adhikain ang sa kanila ay magbibigkis.

Ang adhikaing makapaglingkod sa bayan ay isang pagmamalasakit. Subalit ang pagmamalasakit na ito ay walang saysay at kabuluhan kung ang tatlong sangkap naman ay walang malasakit sa kapakanan ng ating pamantasan.

Pagmamalasakit sa lipunan ang luminang at humubog ng mga mag-aaral. Subalit malasakit na walang kabuluhan at saysay din kung ang mga mag-aaral na ating hinubog at tinuruan ay walang malasakit sa bayan.

Dito sa UP, palagian nating ipinagyayabang, bilang isang akademikong institusyon, na tayo ay sentro ng “Dangal at Husay.” Ito po ang diwang ikinikintal natin sa isipan ng ating mga mag-aaral. Ito rin ang adhikain na nais nating maging mukha ng UP sa pambansang kamalayan. Ngunit marapat siguro nating isaalang-alang na mas titingkad ang taglay nitong bisa kung ang “Dangal at Husay” ay kakambal ng pagmamalasakit. Kinakailangan natin itong isapuso at isadiwa sapagkat ito ang magiging pangunahin nating takaran upang matagumpay nating mai-ukit ang dibuho ng ating hinaharap.

Sa susunod na 6 na taon na ating pagsasamahan, malasakit ang magbibigay bigkis at buhay sa lahat ng ating layunin, kilos, at galaw.

Bago po ako tuluyang magtapos, nais ko pong handugan si Presidente Alfredo Pascual ng isang likhang sining ni Manolo Sicat ng College of Fine Arts, bilang isang munting ala-ala at pasasalamat.

Mr. President, ang munting ala-ala po ay aking pinamagatan na Malasakit ng Tao sa Sandaigdigan.


FacebookTwitterGoogle+